Sa buwan ng Agosto, ipinagdiriwang natin ang taunang Buwan ng Wika. Iniaalala natin ang mga nagawang mga akda, nobela at mga kuwento ng ating mga manunulat na Pilipino noon na konektado sa mga nangyayari sa ating bansa. Ipinapahayag nila ang mga kasamaan, kasakiman, at karahasan na nangyayari sa kanilang paligid araw-araw. Ipinapahayag din nila ang mga epekto ng mga ito sa mga mamamayan. Nag-isip at nagplano ang mga manunulat na itinuturing na mga bayani ngayon kung paano nila maipapahayag ang mga kanser sa lipunan na kanilang napapansin at kung paano nila masusugpo at mareresolba ang mga ito. Ipinahayag nila ang mga ito gamit ang sarili nating wika.
Magbalik tanaw tayo, ang wika ay napakahalaga sa mga tao sapagkat ginagamit natin ito sa pakikipag-ugnayan sa ating kapwa tao. Nagagamit natin ang wika sa pagpapahayag ng ating emosyon at damdamin. Noong unang panahon ang wika ay isang bahagi ng pakikipagtalastasan. Kalipunan ito ng mga simbolo, tunog at mga kaugnay na batas upang maipahayag ang nais sabihin ng kaisipan.
Ang tema sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa taong ito ay " FILIPINO: Wika ng Pagkakaisa". Alinsunod ang pagdiriwang sa Proklamasyon Blg. 1041 na nilagdaan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos. Ipinahayag nito ang taunang pambansang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa tuwing Agosto. Dagdag pa, ang mestiso Espanyol na si Manuel Luis Quezon ay ipinanganak noong Agosto 19, 1878 sa Baler, Tayabas. Si Manuel L. Quezon ay kilala bilang "Ama ng Wikang Filipino". Itinuturing na "Ama ng Wikang Pambansa". Tinagurian ding "Ama ng Republika ng Pilipinas", dahil siya ang unang pangulo ng Commonwealth ng Pilipinas. Namatay si Quezon sa sakit na tuberculosis noong Agosto 01, 1944 sa Saranac Lake, New York. Nakaukit sa kanyang huling himlayan ang mga katagang: "Statesman and Patriot, Lover of Freedom, Advocate of Social Justice, at Beloved of his People.
Noong Setyembre 23, 1955, idineklara ni Pangulong Ramon Magsaysay ang ika-13 hanggang ika-19 ng Agosto kada taon bilang Linggo ng Wika. At noong Enero 15, 1997, idineklara naman ni Pangulong Fidel V. Ramos ang buong buwan ng Agosto bilang Buwan ng Wika. Ito ang kasaysayan ng wika na tinatalakay noong hanggang ngayon.
No comments:
Post a Comment